Back

NWU, Naglunsad ng Oryentasyon, Gabay para sa mga Mag-aaral

Bilang opisyal na hudyat ng pagbubukas ng taong akademikong 2025–2026, matagumpay na isinagawa ng Northwestern University (NWU) ang dalawang araw na oryentasyon noong ika-6 hanggang ika-7 ng Agosto, na layuning gabayan at ihanda ang mga bagong estudyante sa kanilang paglalakbay sa kolehiyo.

Ang oryentasyon ay isinagawa sa tatlong pangunahing lugar sa loob ng unibersidad: Aquino Multi-Purpose Center, Worship Center, at International House Conference Room. Tampok sa nasabing aktibidad ang pagpapakilala ng mga mahahalagang bahagi ng administrasyon ng unibersidad gaya ng mga patakaran, serbisyong maaaring mapakinabangan ng mga estudyante, at mga organisasyong maaaring salihan.

Sa unang araw, mainit na tinanggap ng unibersidad ang mga mag-aaral mula sa iba’t ibang departamento. Isa sa mga tampok na tagapagsalita ay si Dr. Charliemane A. Bullalayao, ang Bise Presidente para sa Akademikong Gawain, na nagbigay-inspirasyon sa mga estudyante sa pamamagitan ng kanyang talumpati. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagiging responsable, masigasig, at aktibong kalahok sa buhay-akademiko. Aniya ang pagiging bahagi ng pamantasan ng NWU ay hindi lamang simpleng pagtatala kundi isang panatang lumahok, magsikap at maging mas mabuting sarili, sa inyong pagsisimula at pagpapatuloy ng buhay akademiko akuin ninyo ng buong buo ang inyong respansibilidad, respansibilidad bilang isang mag aaral na may dedikasyon at may malinaw na layunin at igalang ang oras at pagsusumikap ng inyong mga guro, kaklase, sarili at lalong lalo na ang inyong mga magulang.

Sinambit pa niya, “ Tandaan ang tagumpay ay hindi basta dumadating, kundi ito ay bunga ng disiplina, sipag at araw araw na pasya na nagtataguyod ng mataas na pamantayan.”

Isinagawa rin ang iba’t ibang sesyon kung saan ipinakilala ang mga pangunahing opisina at administratibong tanggapan ng NWU. Layunin ng mga ito na bigyang-linaw ang tungkulin ng bawat opisina at hikayatin ang mga estudyante na lumahok sa mga ekstrakurikular na gawain, na maaaring makatulong sa kanilang personal at propesyonal na pag-unlad.

Itinampok sa oryentasyon ang mga bagong estudiyante, bilang pangunahing benepisyaryo ng aktibidad. Ang oryentasyon ay inilaan upang maging gabay at sandigan nila sa kanilang pagsisimula sa kolehiyo, isang hakbang upang mapawi ang kaba, masagot ang kanilang mga katanungan, at mapalawak ang kanilang kaalaman tungkol sa kanilang bagong kapaligiran.

Sa pagtatapos ng programa, ipinaabot ng NWU ang kanilang hangarin na maging matagumpay ang bawat estudyante sa kanilang akademikong landas. Ayon sa pamunuan, sa pamamagitan ng maayos na gabay, aktibong partisipasyon, at dedikasyon ng bawat isa, makakabuo ang unibersidad ng mga gradweyt na handa sa hamon ng makabagong mundo at may kakayahang makapag-ambag sa pagbabago ng lipunan.

What’s your Reaction?
+1
0
+1
0
+1
0
+1
0
+1
0

Post a Comment