Back

Hiraya Kabanata 5: Pag-asa

Ang pasko ay sumapit, tayo ay managsi-awit…

“Bagong taon ay magbagong buhay, nang lumigaya ang ating bayan…”

Dumating ang buwan ng Disyembre ngunit wala pa ring pagbabago sa kuwento. Gano’n pa rin ang nararanasan at pinagdaraanan ko bilang isang anak na nawalan ng ama at lumalaban para sa ina, bilang isang estudyanteng kailangang magsikap sa panahon ng pandemya, at bilang isang taong may malaking hangarin at pangarap sa buhay.

Isang normal na araw na naman para sa akin ang dapat na espesyal na araw ngayon. Ang pagsapit ng pasko. Ito ang pinakapaborito ko at pinakamasayang panahon sa buong taon dahil ito ang kapanganakan ni Kristo. Pinilit kong magpatuloy sa buhay dahil iyon lamang ang alam kong dapat at kaya kong gawin para sa amin ni Nanay.

Marami nang mga bali-balita ang aking naririnig na posibleng mabalik na muli ang lahat sa dati. Narinig ko rin ang paggawa ng mga bakuna na gagamitin bilang proteksyon sa sakit. Natutuwa ako dahil ang mga balitang katulad nito ang nagbibigay pag-asa sa akin.

Habang naglalakad ako papunta sa palengke upang tumulong kay Aling Susan sa pagtitinda ay nakasalubong ko ang isang matandang namamalimos sa kalsada. Tinignan ko ang aking bulsa at nakitang may sampung piso ako na galing sa pagbebenta ko ng bote kanina.

Hindi ako nag-alangan na lumapit sa kaniya at kinausap.

“Lolo, Maligayang Pasko po! Pasensya na po kayo, iyan lang po kasi ang kinita ko sa pagbebenta ko ngayon.” Sabi ko sabay abot sa kaniya ang tanging barya na kinita ko sa pangangalakal. Kaunti lamang kasi ang naibenta kong bote ngayon.

Agad siyang ngumiti sa akin, “Maraming salamat, Anak! Maligayang Pasko rin sa iyo!”

Hindi ko mapigilan ang sarili kong magtanong, “Lo, bakit po kayo namamalimos ngayon dito sa kalsada? Delikado po ngayon dahil sa pandemya.” Nag-aalala kong sabi sa kaniya ngunit binigyan niya lamang ako ng mapait na ngiti at pag-iling.

“Wala anak e, mahirap ang buhay. Iniwan na rin ako ng mga anak at asawa ko. Matagal na akong mag-isa sa buhay pero dahil sa pandemya, mas naging mahirap para sa akin ang maghanap-buhay.”

Hindi ko alam ang isasagot ko o sasabihin sa nalaman ko. Mag-isa si Lolo. Iniwan siya ng kaniyang pamilya. Mag-isa siyang magpapasko at sasalubong sa bagong taon.

Naisip ko tuloy na may mga tao pa palang mas mahirap ang sitwasyon kaysa sa pinagdaraanan ko. Kaya naman kahit mahirap ang sitwasyon ko at ng aking ina, nagpapasalamat pa rin ako dahil kinakaya naming dalawa ang mga hamon ng buhay.

Nalungkot ako para kay Lolo. Kaso, gano’n talaga. Lahat ng tao ay may mga sariling pagsubok na kinakaharap sa buhay. Lahat tayo ay nakararanas ng kalungkutan.

Nagpatuloy na ako sa paglalakad hanggang sa makarating ako kina Aling Susan. Maraming tao ngayon ang namimili para sa Noche Buena.

“Malabo yatang mawala ang pandemya. May bago na naman kasing klase ‘nung virus na mas mapanganib at nakamamatay.” Masamang balita sa amin ni Aling Marites, ang punong-kagawad sa aming barangay, ilang araw lamang bago sumapit ang bagong taon.

Kung ganoon, ano na lamang ang aasahan ko sa susunod na taon?

Mabilis na lumipas ang mga araw at hindi ko namalayang magba-bagong taon na pala. Napakabilis nga naman ng panahon.

Dumating ang Pebrero at ikalawang semestre na namin sa eskwelahan. Sa bawat pagbabago ng semestre ay mas nagiging mahirap ang aming mga aralin.

Dating gawi, pumupunta ako kina Aling Maria na hanggang ngayon ay hinahayaan akong makigamit sa kanilang mga kompyuter ng libre. Gayundin ang pagbibigay sa akin ni Aling Susan ng allowance para sa mga gastusin ko sa eskwelahan.

Si Nanay naman ay unti-unti na ring bumabangon at lumalabang muli para sa aming dalawa. Patuloy siyang tumatanggap ng mga pinapatahing damit o sapatos. Nagbebenta rin kami minsan ng mga gulay o meryenda sa daan.

Kung tatanungin naman tungkol sa pandemya ay wala akong maisasagot kundi “gano’n pa rin.” Ang tanging nagbago lamang ay ang pagdating ng mga bakuna para makaiwas sa sakit. Ngunit hindi ibig sabihin nito ay mawawala na ng tuluyan ang pandemya.

Habang sumasagot ako sa isa sa mga asignatura ko sa aking kurso, napatigil ako nang nabasa ko ang tanong, “Ano ang mga karanasan o natutunan mo ngayong pandemya?”

Ano nga ba ang naging karanasan ko at natutunan ko ngayong pandemya?
Maraming mga karanasan ang nagbabalik sa aking isipan. Sigurado rin akong marami akong naaalala na natutunan ko ngayong pandemya. Ngunit sa sobrang dami ay tila wala akong maisulat kahit isa.

Wala man akong tiyak na kasagutan, sa aking isipan ay nagsimula akong magsulat.

Dahil sa pandemya,
Naranasan kong malungkot ngunit hindi ako nagpatinag.
Naranasan kong mahirapan ngunit hinding-hindi ako sumuko.
Naranasan kong madapa ngunit ako’y bumangong muli.

At dahil dito,
Natutunan kong lumaban at magpakatatag sa buhay.
Natutunan kong mahalaga ang bawat oras at panahon.
Higit sa lahat, anuman ang mangyari, natutunan kong magpasalamat sa biyaya, gabay, sa pagbibigay buhay at pagmamahal sa amin ng Panginoon.

Sa lahat ng aking naranasan, masaya man o malungkot, ay marami akong natututunan.

Marami mang hamon at pagsubok na dumating sa aking buhay, hinding-hindi ako susuko. Alam kong hindi rito nagtatapos ang lahat. Hindi ako mawawalan ng pag-asa.

Kung may maibabahagi ako sa inyong lahat, ito ay ang aking kuwento. Ang kuwento ko na magsilbi nawa bilang inspirasyon niyo na magpatuloy sa buhay.

Ako si Hiraya na nagsasabing, may pag-asa sa kabila ng Pandemya.

What’s your Reaction?
+1
0
+1
0
+1
0
+1
0
+1
0

Post a Comment