Hiraya Kabanata 4: Pagbangon
Ilang buwan na ang nakalilipas noong magsimula akong magkaroon ng mga panaginip na puno ng mga hinahangad ko sa buhay. Hindi na rin naiiba ang naging panaginip ko kagabi dahil halos paulit-ulit na nga lang ang mga ito.
Sabi nila, ang mga panaginip ay mga guni-guning imahe o pag-iisip. Marami rin ang nagsasabi na bawat panaginip ay may kahulugan. Sa aking mga panaginip, masasabi kong ito ay may koneksyon sa mga nais kong mangyari at hinahangad sa buhay.
Kasabay rin ng paglipas ng buwan ay ang patuloy na pagkakaroon ng pagbabago o pagsubok sa aking buhay sa maraming kadahilanan.
Una, dahil sa pagkakaroon ng pandemya. Pangalawa, dahil sa kahirapan namin sa buhay. Pangatlo, at pinakamahirap sa lahat, ang pagkawala ng aking Tatay.
Oo, nagkatotoo ang mga pinag-uusapan ng mga ale noon sa tindahan. Makalipas ang dalawang linggo ay nagkaroon ng lockdown ang buong Pilipinas kaya naman mahirap para sa amin ang mga pangyayari noon lalo na’t sumabay pa ang pagkawala ni Tatay.
“Wala na si Ben.” Ang mga salitang ito ay hindi pa rin maalis sa isipan ko. Hanggang ngayon ay hindi pa rin namin matanggap na wala na siya, na nawalay na sa amin si Tatay.
Mahirap na mawalan ng mahal sa buhay na alam mong mahal ka at laging nandiyan para sa iyo. Sobrang hirap.
Sa lahat ng nangyari at patuloy na nangyayari, mahirap para sa amin na magpatuloy sa buhay lalo na ang kumita ng pera para sa pang araw-araw naming gastuhin sa bahay.
“Ang daya mo naman, Tatay. Bakit mo kami iniwan?” Bulong ko sa litrato niya. Hindi ko mapigilan ang paghikbi ngunit alam kong hindi ito ang gusto ni Tatay. Gusto niya na lumaban kami, gusto niyang magpatuloy lamang kami ni Nanay para sa kaniya.
Mahirap ngunit kakayanin namin ni Nanay. Kailangan. Ito ang lagi kong sinasabi.
Nagdaan ang ilang mga buwan na lumalala lamang ang pandemya sa bansa. Dumarami ang natatamaan ng virus at tumataas na rin ang bilang ng mga namamatay dahil dito. Sa pagdaan ng mga araw ay mas lalo lang nagiging delikado ang sakit na ito.
Ang lockdown naman na inakala naming magtatagal lamang ng isang linggo ay umabot na ng ilang buwan. Kaya naman ang inaakala naming paghahanda sa pagsusulit ay siya na palang huli naming pagkikita bilang magkakaklase.
Dumating ang buwan ng Nobyembre. Hindi ko lubos akalain na ang magiging unang karanasan ko bilang isang kolehiyala ay sa harap ng kompyuter.
Kada umaga ay maaga akong gumigising upang tumungo sa malapit na kompyuter shop sa aming bahay. Dito ako naghahanda para sa klase namin na idinaraos online. Mabuti na lamang ay kumare at matalik na kaibigan ni Nanay ang may-ari ng kompyuter shop na si Aling Maria. Kaya naman ay nakakagamit ako ng kompyuter sa aking pag-aaral.
Pagsapit naman ng gabi ay gumagawa ako ng mga modyul ko na inimprinta rin ni Aling Maria. Masuwerte ako at mabait siya sa akin. Kaya naman kapag wala akong ginagawa ay tumutulong na lamang ako sa paglilinis at pag-aayos ng mga gamit.
Inilatag ko ang banig at ang maliit ko na lamesa na galing kay Nanay upang gumawa ng aking mga aktibidades at proyekto sa eskwelahan. Mahirap man ang kalagayan ko ngayong online class ay masaya pa rin ako dahil may mga taong tumutulong sa akin. Nandiyan si Nanay, Aling Maria at Aling Susan. Maging si Tatay, alam ko at sigurado ako na lagi lamang siyang nanonood at gumagabay sa akin.
Sa pagsasagot ko sa aking mga modyul ay minsan natatapos ko ito ng maaga at minsan naman ay umaabot ako ng hating-gabi o madaling araw. Ngayong gabi, hindi ko namalayan na dinalaw na pala ako ng antok at nagsimula muling managinip.
Minsan, hindi ko matiyak kung ako ba ay nananaginip dahil parang lahat ng nangyayari ay totoo. Minsan ang mga ito ay walang katotohanan at puro guni-guni ko lamang ngunit madalas ay ang mga bagay na ninanais ng aking puso.
Katulad na lamang noong isang gabi, nanaginip ako na unang araw ng aming pagbabalik-eskwelahan at sa sobrang tuwa ko ay gumising ako ng maaga ngunit sa pagdating ko ay walang mga estudyante o guro sa paligid. Panaginip lang pala ang lahat.
Mayroon ring mga panahon na nananaginip ako na wala na ang pandemya at bumalik na sa normal ang lahat. Maayos na ang kalagayan ng mga tao at lahat ng mga estudyante ay nakapag-aaral na sa kani-kanilang eskwelahan.
Panaginip lang pala ang lahat.
Kung may masasaya at nakapagtataka na panaginip ay hindi rin mawawala ang mga malulungkot at masasakit. Halimbawa nito ay ang panaginip ko na kasama si Nanay at si Tatay na masayang magkasama ngunit unti-unting bumabalik sa akin ang alaala ng pagkawala ni Tatay.
Ngunit sa kabila ng lahat ng mga ito, ang natutunan ko sa gitna ng mga panaginip ay maaari pa rin tayong gumising sa katotohanan at lumaban para sa kinabukasan.
Kaya naman sa lahat ng pagsubok at paghihirap na aming dinaranas at nararanasan sa kasalukuyan, isa lamang ang matitiyak ko, lalaban ako.
Gumagawa rin ako ng paraan upang maging magaan ang mga bayarin namin sa eskwelahan. Mapalad akong naging isang iskolar. Dahil dito ay walang binabayaran si Nanay sa aking pag-aaral. Nagbibigay lamang siya ng allowance ko na hindi ko rin naman nagagastos at iniipon ko para ibalik muli sa kaniya.
Subalit, hindi dahil iskolar ako ay hindi ko na kailangang magtrabaho at kumita. Kaya naman tumutulong pa rin ako kay Nanay sa abot ng aking makakaya para sa mga gastusin namin sa bahay kahit na palagi niyang sinasabing huwag na.
Tulad ng dati, tumutulong ako kay Aling Susan tuwing Sabado. Naghahanap rin ako ng iba pang mga pagkakakitaan tulad na lamang ng pagbebenta ng mga meryenda tuwing hapon kapag wala akong mga gawain sa mga modyul ko.
Mahirap man ay masaya pa rin ako. Masaya ako dahil damang-dama ko ang pagmamahal sa akin ng aking ina. Patuloy pa rin ang pagbibigay suporta niya sa akin.
Sana nga lang, mawala na ang pandemyang ito. Sana mabawasan ang mga paghihirap na aming nararanasan. Sana sa pagdating ng bagong taon magbago na rin ang kapalaran at gumalaw muli ang aking mundong tila tumigil dahil sa mga pagsubok. Hindi man ito mangyari, isa lamang ang natitiyak ko,
Anuman ang mangyari, patuloy kaming lalaban at babangon.