Hiraya Kabanata 3: Paghihirap
Masaya ako habang naglalakad sa parke dito sa aming lugar. Maraming mga tao na nagpapahangin lalo na kapag sumasapit ang hapon. Habang tumitingin ako sa kabuoan ng parke, sa may bandang gitna at itaas ng entablado, laking gulat ko nang may tumapik sa akin. Paglingon ko ay nakita ko ang matamis na ngiti ng isang ale.
Ngumiti ako habang lumapit naman siya sa akin at umupo sa aking tabi.
“Anak, bakit ka mag-isa rito?” Nagtatakang tanong niya ngunit ngumiti lamang ako ng bahagya. Hindi ko rin kasi alam kung bakit nga ba ako mag-isa rito.
Mag-isa nga ba talaga ako? Kung oo, bakit ako mag-isa?
Maaliwalas ang paligid. Masaya ang mga tao. Kahit saan ako lumingon ay may nakikita akong mga batang masayang tumatakbo sa gitna ng parke habang ang kanilang mga magulang ay nanonood at nagbabantay sa kanila.
Hindi ko tuloy mapigilang isipin kung ganoon lang sana kadali at kasaya ang lahat.
Paglipas ng ilang sandali ay ibinaling ko ang tingin sa ale na nasa aking tabi. Ngunit paglingon ko ay wala na siya. Hindi ko na lang ito pinansin at nagpasya na lamang akong umuwi sa aming bahay. Pagdating ko sa bahay ay sumalubong sa akin si Nanay.
Sa unang pagkakataon, napagtanto ko na hindi totoo ang sinabi ng ale sa akin kanina.
Mali ang sinabi ng ale. May kasama ako. Hindi ako nag-iisa.
Pinilit kong ngumiti sa kaniya kahit na halata sa aking mga namumugtong mata ang sobrang pag-iyak . Halata rin ang lungkot sa kaniyang mapupungay na mata.
Agad akong tumungo sa kuwarto ko at pinilit kong ipikit ang aking mga mata at kalimutan muna sandali lahat ng mga nararamdaman at naiisip ko, ngunit mas lumala lang.
Naranasan niyo na bang tumigil ang mundo para sa inyo?
Naranasan niyo na bang unti-unting gumuho ang inyong mundo?
Kung hindi pa ay mapalad kayo. Hindi pa kayo nakaranas ng ganitong sitwasyon.
Inalis ko na lamang ang mga mapapait na ala-ala sa aking isipan. Kailangan kong magpatuloy, kailangan naming magpatuloy. Para kay Tatay.
Habang ako’y nasa kalagitnaan ng pagmumuni-muni ay nakarinig ako ng malakas na boses na nagmumula sa labas ng aming bahay. Pinilit kong tumayo kahit nanlalambot ang aking mga tuhod. Sumilip ako sa labas ng aming bahay at nakita ko ang maraming mga tanod maging ang aming kapitan sa barangay.
Narinig ko ang usapan ni Nanay at ni Aling Maria tungkol sa naging anunsyo ni kapitan. Parang alam ko na kung ano ito.
“Paano na ‘yan? Isang linggong lockdown? Ano nang gagawin natin n’yan?” Nag-aalalang tanong ni Nanay kay Aling Maria na aligaga rin dahil sa narinig na anunsiyo.
Lockdown? Paano na lamang ang pag-aaral ko? Paano na lamang kami magtatrabaho? Paano na kami ni Nanay?
‘Yung akala namin na mahirap na ang aming sitwasyon ay mas magiging mahirap pa ngayon. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Paano kung tumagal pa ito?
Paglipas ng isang linggo, akala namin puwede na muling bumalik ang lahat sa normal kaso sa bawat pagpatak ng oras at araw, ay dumarami ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 dito sa Pilipinas. Kaya naman, imbes mawala ang lockdown ay pinahaba pa.
Nagpatuloy kami sa kabila ng pandemya at sa awa ng Diyos nagpapasalamat ako na nakapagtapos ako ng sekondarya kahit na maraming mga pagsubok at paghihirap akong naranasan.
Dumating ang araw ng kapanganakan ko at hanggang ngayon, wala pa ring nagbabago. Lumalala lamang ang pandemya sa bansa at sa bawat araw na lumilipas, mas lalo lamang akong nalulungkot at pakiramdam ko ay hindi ako kompleto.
Simple lamang ang naging selebrasyon ko sa aking kaarawan. Nagluto si Nanay ng kaunting pansit at iyon ang aming pinagsaluhan sa araw na iyon. Wala man akong keyk at kandila na puwede kong hipan habang ako’y nag-iisip ng aking kahilingan ay hindi pa rin ako napigilang humiling na sana, maabot ko ang aking mga pangarap.
Sana mawala na ang pandemya.
Sana makapagtapos ako ng kolehiyo.
Sana mahanap o madama namin ang kasiyahan.
Sana mawala na ang aming pighati at kalungkutan.
Sana maging ligtas kami sa anumang kapahamakan.
At sana, bumalik na ang lahat sa dati nitong kalagyan.
Imposible man ngunit alam kong hindi masama ang humiling.