Back

Hiraya Kabanata 2: Pagsubok

Limang araw na lang ay magsisimula na ang aming huling pagsusulit para sa huling semestre ngayong taon. Pagkatapos nito ay susunod na rin ang pag-eensayo para sa nalalapit na pagtatapos namin sa sekondarya. Magkahalong takot, lungkot, at saya ang nararamdaman naming mga magkakaklase sa mangyayaring ito.

Takot, dahil alam kong hindi rito nagtatapos ang lahat, mayroon pang kolehiyo sa aking pag-aaral. Marami pa akong mapagdaraanan sa bagong yugto na aking haharapin.

Lungkot, dahil magkakahiwalay na kami ng mga kaklase at guro kong nakasanayang kasama araw-araw. Ito na rin ang pagkakataon na magbabago ang aming buhay.

Masaya, dahil makapagtatapos na rin ako ng pag-aaral sa sekondarya. Natutuwa ako dahil ito na ang aking pinakahihintay na pagkakataon.

Muli kong naalala ang mga pangaral sa akin nina Nanay at Tatay. Lahat ng mga ito ay pangarap ko para sa amin.

“Anak, tatandaan mo na kahit anong mangyari, nandito lamang kami para sa iyo. Mag-aral ka ng mabuti para makapagtapos ka at maabot mo ang mga pangarap mo sa buhay.”

Ito ang laging sinasabi sa akin ni Nanay. Sa lahat ng sakripisyo niya at pag-aalaga sa akin ay masasabi kong napakasuwerte ko dahil siya ang naging ina ko.

“Lugmok man tayo sa kahirapan, alam kong kakayanin mo ‘yan, anak. Alam kong mabuti kang bata. Gagawin naming lahat ng aming makakaya para makapagtapos ka.”

Ang mga salitang ito ay hindi pa rin matanggal sa aking puso’t isipan. Ito naman ang laging sinasabi sa aking ni Tatay. Bilang haligi ng aming tahanan, wala siyang ginawa kundi kumayod at magtrabaho para sa amin ni Nanay.

Sila ang inspirasyon ko sa buhay, nagsisilbing lakas at sandalan ko kaya naman pinagbubutihan ko talaga ang aking pag-aaral para maabot ko ang aking mga pangarap.

Hindi naging hadlang ang hirap upang magpatuloy ako sa buhay, kaya kakayanin ko para sa aking mga magulang. Kung kaya nilang gawin ang lahat para makapagtapos ako, kaya ko rin gawin ang lahat para hindi ko sila mabigo at maiahon sila sa kahirapan.

“Bili na kayo! Gulay, prutas, isda! Sariwang-sariwa pa po!” Sigaw ko habang patuloy na lumalapit ang mga mamimili sa puwesto ni Aling Susan dito sa aming bayan.

“Naku, napakasuwerte ko talaga sa’yo! Kapag kasama kitang nagtitinda, tiba-tiba ako! Hay, salamat sa Diyos! Salamat Raya!” Tuwang-tuwa na sabi sa akin ni Aling Susan habang binibilang niya ang kinita namin ngayong araw sa pagtitinda.

“Ako nga po dapat ang magpasalamat sa inyo dahil hinahayaan niyo po akong tulungan kayo dito.” Sagot ko ngunit umiling lang siya at ngumiti sa akin.

Tuwing Sabado wala kaming pasok kaya tumutulong ako dito sa pagtitinda. Bata pa lamang ako ay itinuturing ko ng sarili kong lola si Aling Susan. Lagi ko siyang kasama at sa maliit na paraan ay nakatutulong ako sa aking mga magulang.

“Raya, hawakan mo muna ito. Alam kong papalapit na ang exams ninyo sa eskuwelahan kaya kailangan mo ito.” Nakangiting sabi ni Aling Susan sa akin habang ipinaipit niya sa aking kamay ang limang daang piso. Nagulat ako at akmang ibabalik sa kaniya ang pera ngunit mahigpit niyang isinara ang kamay ko at nagpatuloy sa pag-aayos ng gamit.

“Napakalaki naman po nito, Aling Susan. Hindi ko po matatangap ito. Hindi naman po mahirap ang ginawa ko ngayong araw.” Nahihiya kong banggit sa kaniya ngunit hindi niya ako pinansin at patuloy pa rin sa pagliligpit ng mga kagamitan.

Bago ako umuwi, dumaan ako sa pamilihan ng bigas dahil wala na nga pala kaming maisasaing. Pagdating ko roon, nakita ko ang mga ale na nagkukumpulan na tila ba mayroong pinagti-tsismisan.

“Uy, alam niyo ba ‘yung nababalitaan ko? Magkakaroon daw ng lockdown dito sa Pinas katulad nang nangyayari ngayon sa ibang bansa dahil sa pandemya.” Sabi ng isang ale.

“Dalawa nga pong kilo ng bigas.” At dali-daling kumuha ang tindera ng supot na paglalagyan ng bibilhin ko at iuuwi sa aming bahay.

“Anong lockdown? Bakit naman? Dahil ba ‘dun sa bagong nakamamatay daw na sakit? Pandemya? Ano ‘yun?” Sunod-sunod naman na tanong ng isa pang ale sa tabi nito.

“Oo! Balita ko nga rin, marami na ang natamaan sa Maynila at iba pang karatig lugar. Nakakatakot! Ano na lang ang mangyayari sa atin niyan?”

“Hija, ito na ‘yung dalawang kilong bigas!” Nabalik lamang ako sa aking loob nang marinig ko ang tindera. Agad kong iniabot ang bayad sa kaniya at nagtungo na sa bahay.

Sa paglalakad ko pauwi, naalala ko ang naging pag-uusap ng mga ale kanina sa tindahan. Narinig ko na rin sa balita noon ang tungkol sa bagong sakit na ito at kung totoong mayroon na nga ito sa Pilipinas, ano na lamang ang mangyayari?

Pagdating ko sa bahay ay tanging si Nanay lamang ang nadatnan ko. Marahil nasa trabaho pa si Tatay. Madalas kasi siyang umuuwi ng hating-gabi dahil sa pagkakarpintero niya.

“Nandito na po ako, Nay!” Pagbati ko sa kaniya at agad naman niya akong sinalubong. Pagkatapos ko magmano sa kaniya ay agad kong iniabot ang bigas at pera na aking kinita ngayon sa pagtitinda. Ngumiti siya ngunit hindi maikakaila ang lungkot sa kaniyang mata.

“Salamat, anak. Hindi mo naman dapat ito ginagawa. Kaso hindi talaga nagiging sapat ang kinikita namin ng Tatay mo para sa atin—” Hindi ko na pinatapos ang kaniyang sinasabi at agad ko na lamang siyang niyakap ng mahigpit.

Alam kong mahirap para sa kanila ang pag-aralin ako lalo na’t kaunti lang din ang kinikita ni Nanay sa pagtatahi ng mga damit at sapatos. Gayundin si Tatay na hindi palagiang may trabaho bilang karpintero. Sapat lamang ang pera namin upang makakain kami ng tatlong beses sa isang araw ngunit hindi para sa aking baon o mga kailangan sa eskwelahan.

Kaya naman naghahanap din ako ng paraan upang matustusan ang aking pangangailangan at makatulong sa kanila. Bilang anak, hindi ko ipinaparamdam na hindi sapat ang kanilang ibinibigay, dahil para sa akin, sobra-sobra na ang sakripisyo na ginagawa nila. Mas mahalaga ang pagmamahal at suporta nila sa akin.

“Tatanggapin ko ang bigas ngunit hindi ang pera. Itago mo ito lalo na’t alam kong kailangan mo ito sa mga proyekto ninyo sa eskwelahan.” Sabi ni Nanay, kaya naman hindi na ako nagpumilit na ibigay ito.

Pagkalipas ng ilang minuto ay may malakas na katok sa aming pintuan. Pagbukas ko ay bumungad sa amin ang matalik na kaibigan ni Tatay na si Tiyo Lando. Mukhang natatakot at hindi mapakali sa anumang nais niyang sabihin sa oras na iyon.

Sa sumunod na mga sandali, biglang tumigil ang mundo, hindi ako makagalaw at wala na rin akong maisip pa. Nasilayan ko na lamang na nakalupasay na si Nanay habang humahagulgol sa balitang kaniyang nalaman.

Tatay. Bakit?

What’s your Reaction?
+1
0
+1
0
+1
0
+1
0
+1
0

Post a Comment