F2F mas matimbang?
Kahit gaano pa kabigat ang mga hamon na isinasaboy ng pandemya, marapat lamang na bawat mag-aaral ay mabigyan ng wastong edukasyon upang hindi mapatid ang mga karunungan na dapat nilang matutuhan. Sa kasalukuyang setup na meron tayo, bilang estudyante, hindi ko maipagkakaila na ang modaliti ng ating edukasyon ay hindi sapat at lubhang napakahirap.
Mahigit kumulang na dalawang taon na ang nakalilipas nang simulan natin ang makabagong modaliti ng pag-aaral -ang online classes. Hindi ko maipagkakaila na napakalaking pagbabago ang naganap sa aking pag-aaral simula noong nagkaroon ng online class. Ang daming mga pagsasaayos ang nagawa para lamang maiangkop ko ang aking sarili sa estadong ito.
Aking masasabi na sa una pa lang, alam kong mahirap na ito. Mahirap maisaulo ang mga leksyon, at gayon na din sa paraang mahirap matuto; ngunit sa pagdaan ng bawat segundo, natatanggap at nauunawaan ko na rin sa aking sarili ang proseso, at unti-unti ring nasanay at nahango ang aking sarili sa modaliting ito.
Napakalaking epekto ang nagawa ng pandemya sa ating buhay, lalong lalo na sa larangan ng edukasyon. Marami ang lubhang naapektuhan at patuloy pa rin sa pag-abot ng mga pangarap, kaya kahit na anong hirap ay patuloy pa ring humaharap at nakikibaka sa buhay.
Maraming mga kapwa ko estudyante ang sumisigaw para maibalik ang face-to-face na klase sapagkat mas magiging makabuluhan at maraming matutunan kapag nakaaktuwal ang klase. Sa kabilang banda, marami rin ang tumututol dito sa kadahilanang nasanay na sila sa lagay na ito at tingin nila ay hindi na nila muling kakayanin pang i-angkop ulit ang sarili nila dito.
Maraming mga dahilan kung bakit mas gusto na nilang manatili sa kasalukuyang modaliti tulad na lamang ng mas nagiging madali ito dahil may ‘google’ na nagsisilbing daan at kasangga sa lahat at maaari nilang gawin ang mga takdang-aralinsa kahit na anong oras na gusto nila. Datapwa’t hindi naman din maipagkakaila na ang lahat ay hindi naman pribilehiyo na magkaroon ng mga pangunahing kagamitan sa ganitong modaliti ng pag-aaral kaya sila ay naiiwan at hindi makaugnay kaya ang iba ay mas gustong maibalik na lang sa dati ang lahat, kahit na limitado lamang.
Kaya naman, limitadong face-to-face bilang sigaw ko at ng karamihan, sapagkat; dito magkakaroon ng mas higit pang access sa mga matitingkad na impormasyon at higit na pag-unawa, may pagkakataon na maiugnay at maikonekta ang sarili sa iba, at higit sa lahat makakatutok ng mas mabuti sa pag-aaral.
Narito ang ilang mga dahilan kung bakit nais ko at ng mga iba pang mag-aaral ang panunumbalik ng face-to-face na pag-aaral:
- Dahil sa mga impormasyon at masidhing pag-unawa na nagsisilbing daan sa pagkakaroon ng mahusay na mga kaalaman na tunay ngang nakukuha lamang sa aktuwal na klase dahil dito mas nagkakaroon ng mga malalalim na talakayan at deliberasyon ng mga aralin at lektura.
- Dahil naikokonekta ang sarili sa iba na siya ring nagbibigay ng mas mabisa at makabuluhang pag-aaral. Dahil dito mas nauunawaan ang isa at magkakaroon ng kapasidad na makapagbahagi ng mga nalalaman na nakakapagpahubog din sa kadalubhasaan sa larangan ng pakikipagtalastasan sapagkat dito naipapakita ang ating kakayahan sa pakikipag-usap at brainstorming.
- Dahil tiyak ring mas makatututok nang mabuti sa pag-aaral kapag nasa lagay na face-to-face sapagkat dito ay makakaiwas tayo sa mga sagabal tulad na lamang ng maiingay na huni ng mga kapitbahay, mga hayop, at mga sasakyan.
Marami man ang tutol sa pagbabalik ng face-to-face na klase sa kadahilanang ang kalaban ay hindi nakikita, kaya bilang paghahanda, naghain ang mga guro ng survey kung saan inaalam dito kung nabakunahan na ba ang lahat para masigurado na mas mababa ang pagkakataon ng panganib sa pagkakaroon at pagkalat ng virus na COVID-19 sa loob ng paaralan. Bagaman ang pagpapabakuna ay hindi nakasisiguradong mawawakasan ang pandemyang ito, ngunit ito ay tiyak na makatutulong upang mabawasan ang malubhang epekto nito.
Hindi kailanman naging basehan ang modaliti ng pag-aaral sa determinado at tiyaga ng isa, ngunit hindi rin naman maiiwasan ang pagka-iwan, hindi pagkahubog, at hindi pagkatuto ng sarili sa setup na kung saan ang mga natututunan ay hindi sapat at lubhang napakahirap. Kaya sa nalalapit na pagbabalik ng face-to-face na klase, nawa’y tunay ngang maipakita ang sipag ng isa sa pag-abot at pagtamo ng mga pangarap na minimithi sa buhay.