Bukambibig 2021: Dalawang Estudyante mula NWU nakapagtapos
Kabilang sa pagpaparangal ng Bukambibig Graduates ng Batch 2021 “Siklab-Diwa” ang dalawang mag-aaral mula sa pamantasan ng Northwestern na sina Ziantal Samantha Lorenzo at Kyleigh Jasline Soller sa ginanap na Bukambibig 2021 na inorganisa ng Community Broadcasters Society ng University of the Philippines (UP ComBroadSoc).
Ang nasabing pagpaparangal ay naganap noong ika-5 ng Disyembre na may temang, "Molding Young Community Broadcasters in the Philippines" gamit ang Zoom Videoconferencing App.
Bilang paggunita sa ika-17 na anibersaryo ng UP ComBroadSoc, idinaos ang nasabing pagdiriwang katuwang ang Department of Development Broadcasting and Television, College of Development Communication (DDBT-CDC) ng UP Los Baños na may layuning ikintal sa mga lumahok ang mga kaalaman, kasanayan at saysay ng Community Broadcasting.
Apat na linggo o kabuoan ng apat na magkakasunod na Sabado ang itinagal ng pakikilahok ng mga napangalanang mag-aaral na nagsimula noong ika-6 ng Nobyembre hanggang ika-5 ng Disyembre. Kamakailan lang ng Pebrero ay inanunsyo ang nasabing pagtatapos.
Sumailalim sila sa pagsasanay sa pagsusulat ng pagbabalita kasama ang mga kalahok mula sa iba't ibang pamantasan sa buong bansa sa apat na linggong idinaos ito.
“Mahigit kumulang apat na linggo, hindi ko lubos maipaliwanag ang saya na naramdaman ko nang malaman kong kabilang ako sa Batch Siklab-Diwa bilang kauna-unahang UP ComBroadSoc Bukambibig Alumni,” pahayag ni Lorenzo.
“Marami akong natutunan patungkol sa Community Broadcasting. Malaking tulong ang programa lalo na sa mga nangangarap maging brodkaster upang mahasa ang kanilang mga talento sa pagsasalita sa harap ng kamera. Maraming naitulong ang Bukambibig sa akin dahil mas lalo nitong pinataas ang interes ko sa broadcasting at mas nagkaroon ako ng maraming kaalaman patungkol sa kakayahan ng isang brodkaster,” ani ni Soller.
At ngayon, tutok pa rin sila sa paghahasa sa kanilang mga talento sa pag-uulat gayon pa man na nagtapos na sila sa Bukambibig 2021 at handa rin nilang ibagahagi ang kanilang natutunan sa kapwa manunulat.